Welcome to AlmostFinishedProjet.blogspot.com!
This is Dick's Constant Creation.
Touch. Move. Inspire.



Best veiwed with Mozilla Firefox browser.

Kamatayan at Kalayaan

NAKASALALAY NA KABULUHAN NG ISA SA ISA

Matapos aralin, suriin, at talakayin ang mga pananaw ng iba’t ibang mga palaisip kaugnay sa mga pilosopikong ideya ng “kamatayan” at “kalayaan”, marapat lamang na ating pagkabitin ang magkakawing na mga ideyang ito. Gagamitin natin ang pelikulang “Paradise Now”
[1] ni Dir. Hany Abu-Assad bilang isang halimbawa ng mga konseptong ating tatalakayin. Sa pelikula, makikita natin kung paano nila binibigyang katwiran ang kanilang suicde-bombing. Kinikilala nila bilang martir ang mga taong gumagawa nito dahil ina-alay nila ang buhay nila sa ngalang ng kanilang panginoon, si Allah. Nabanggit minsan na sinabi ng isang tauhang martir na si Abu-Assam (hindi pinakita), “To fear death is to be dead.” Tinuloy ito ng nagkukuwento, “And he had no doubt that death would come soon enough without pain.” Ang mga taong tumatanggap sa tawag na maging susunod na suicide-bomber ay may malalim nang pag-unawa at pagtanggap sa kamatayan bilang isang posibilidad na hindi maiiwasan at hindi dapat katakutan.

Sa pilosopikal na persepektibo ni Martin Heidegger, umiiral ang tao sa mundo sapagkat sa mundo umiiral ang kanyang kakayahang-maging ano
[2] kung kaya’t palagi siyang nakatanaw sa kanyang pagka-maaari[3]. Tayong lahat, kahit piliin man natin o hindi, ay palaging kumikilos sa ating mga posibilidad sa pag-iral. Subalit ang katotohanan ay nagkakaroon lamang tayo ng di-maubos-ubos na pagka-maaari kung tayo ay may buhay pa. Maririnig nating sasabihin ni Suha kay Said ang mga salitang ito, “There are many ways of staying alive… Resistance can take many forms.” Patunay lamang na marami ang ating mga posibilidad at mayroon palaging alternatibong maaaring piliin.

Kapag wala na tayong buhay, nawawalan din tayo ng kakayahang umiiral, at sa puntong ito humihinto ang ating kalagayang may hindi maubos-ubos na posibilidad. Tapos na ang lahat para sa atin.
[4] Sapagkat habang buhay ang tao kulang siya sa kalahatan at kabuuan, at sa kamatayan natatapos ang pagkukulang na ito.[5] Sa kamatayan nakakamit ng tao ang kanyan ultimong kabuuan.

Kaya marapat lamang sa tao bilang tao ang magpakatao sa harap ng katotohanang ito bilang isang “umiiral-patungo-sa-kamatayan,” ayon sa mga salita ni Heidegger. Kailangan natin harapin ang buhay at ang ating kamatayan sa isang tunay na paraan. Ang ating pag-aanatabay sa posibilidad ng ating kamatayan ang tunay na pag-iral tungo sa kamayatan. Ang pagkakabahala, ang paggigipit sa atin ng sarili nating karanasan sa buhay ang nagdadala sa ating sa bungad ng pag-aantabay. Kailangan nating tanggapin na atin ang sarili nating kamatayan at walang ibang maaaring gumanap nito para sa atin, hindi ito maiiwasan kailanman, at ang ating kamatayaan ay maaaring maganap sa kahit anong oras, kahit ngayon.

Kaya ang nararapat sa atin bilang mga taong tunay na umiiral-patungo-sa-kamatayan ay kabisaduhin natin ang ating sarili, ang ating sariling kinalalagyan, ang ating sariling buhay. Tayo mismo ang dapat mag-antabay. Tayo lamang ang mga nilalang na may kakayahang maunawaan ang natatanging kahulugan ng ating mga posibilidad. Tayo lamang ang may kakayahang pumili ng mga nararapat nating gawin at pumili sa mga posibilidad na nailalahad sa atin ng sarili nating buhay. Sa pagtalab ng katotohanan ng kamatayan sa atin, nakikita natin ang totoong posibilidad na buuin natin ang ating sarili, bumubukas sa atin ang tunay nating mga posibilidad, at nakakayanan nating pagpilian ang mga posibilidad na ito ayon sa tunay nating inaasam sa buhay.

“Death is the ultimate individualizer,” ayon nga kay G. Pasco. Subalit kabaliktaran naman ang sinasabi sa pelikula nang magtalo sina Suha at Khaled sa sasakyan habang hinahanap si Said. “In life, there are no equals, we’re only equals in death,” ayon kay Khaled. Sasagot naman si Suha, “You were capable of killing and of dying for equality, you can find a way to be equal in life.” Dito natin makikita kung paano sila tumutungo sa kamatayan. Hindi natatakot si Khaled mamatay alang-alang sa kanyang pinaniniwalaan, subalit sa ganitong paraan, hindi niya rin napahahalagahan ang kanyang mga posibilidad sa kanyang buhay. Tanggap din naman ni Suha ang kamatayan subalit mas mahalaga ang buhay para itapon na lamang. Hindi lang naman kamatayan ang nag-iisang posibilidad, ito marahil ang ultimong posibilidad, subalit marami pang ibang di maubos-ubos na posibilidad at alternatibong maaaring piliin. Kailangan tunay ang pagtungo ng tao sa kamatayan upang maunawaan niya ito ng husto at mabibigyan niya ng saysay ang kanyang buhay at ang kanyang kalayaang pumili sa mga posibilidad niya.

Kung gayon, ang tunay na saysay ng kamatayan ay nakakamit lamang sa ating tunay na pagtungo sa kamatayan na isang pag-aantabay sa posibilidad ng sarili nating kamatayan. At sa pag-aantabay, lumilinaw sa atin ang tunay nating mga posibilidad kung kaya’t dito papasok ang ating pagiging malayang pumili ng mga posibilidad na tumungo rin sa ating tunay na mga pinapangarap sa buhay. Ang pag-aantabay ay isang bagay na gawain ng tao sa paggamit ng sarili niyang kalayaan upang piliin at tuparin ang kanyang tunay na inaasam sa buhay. Ang kamatayan, kung gayon, ay nagkakaroon lamang ng bigat at saysay sapagkat ang tao ay may kalayaan.

Ang kabalintunaan lamang sa mga martir nila ay sa lahat ng mga posibilidad na maaari nilang piliin mas pipiliin pa nilang mamatay na lamang sa pamimigitan ng suicide-bombing sapagkat naniniwala silang ito ay naayon sa kagustuhan ng kanilang panginoon; sila ay bibiyayaan at pupunta sa paraiso sa kabilang buhay. Isa itong kabalintunaan sapagkat sa pagpapatiwakal kinakapos nila ang kanilang sarili sa mga posibilidad nila. May kalaayaan pa rin silang tanggihan ang alok na iyon subalit kalayaan rin nilang tanggapin ito sapagkat ginagawa nila ito upang, sa isang paraan, buuin ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-aalay ng buhay nila para sa kanilang panginoon, na magbibigay sa kanila ng matinding kagalakan at nang masasabi nilang naihandog nila ang buhay nila para sa kanilang ipinaglalaban.

Ngayon ay kailangan na nating talakayin ang konsepto ng kalayaan ayon sa isang pilosopikal na perspektibo, upang lubusang maunawaan ang bigat at saysay ng kamatayang napag-usapan pa lamang. Ayon kay John F Kavanaugh, ang tao ay umiiral na may kalayaang-sumasabalangkas. Ito ay umaayon sa pananaw ni Abraham Maslow na isang taong dalubhasa sa agham ng isip, na ang pagiging tao ay ang pagiging malay na siya ay nasa loob ng mga istrukturang pilit humubog sa kanyang pagkatao subalit siya ay mayroong pagka-maaaring humuhulagpos sa mga istrukturang ito upang magtanong, magmuni, at humubog ng sarili.
[6] Ang pananaw na ito ay tila isang pagsasama ng lubusang magka-ibang pananaw nina B.F. Skinner at Jean-Paul Sartre. Ayon kay Skinner, ang tao ay lubusang hindi malaya sa halip ang tao, ang kanyang kagawian, ugali at pagkatao ay tiyak at naitatakda ng mga balangkas ng lipunan, kultura, pamilya, relihiyon at marami pang mga bagay na hindi naman niya pinili ng kusa. Ang natatanging pagkatinapon ng tao, sa pananaw ni Skinner ang tanging bagay na nagtatakda at ang dahilan ng kanyang ginagawa sa ngayon at ito rin marahil ang magiging sanhi ng mga gagawin niya sa hinaharap. Sa kabilang dako naman, ayon sa ateistang pananaw ni Sartre, ang tao ay lubusang malaya sapagkat naniniwala siyang walang Diyos na nagtatakda ng tunay na layon ng pagkatao ng tao. Sa pananaw ni Sarte, ang tao ay malayang hubugin ang sarili niyang buhay at pagkatao ayon sa kanyang kagustuhan nang walang anumang hadlang sa kanyang lubusang pagka-maaari: “Man is nothing else but what he makes of himself.”[7] Kaugnay sa pananaw ni Heidegger, ang tao ay nauuna sa sarili kung saan siya ay may kamalayan at may kakayahang makita ang sarili bilang umiiral sa hinaharap.[8]

Ang dalawang punto de vista nina Skinner at Sartre ay parehong may sinasabing katotohanan, subalit sa ating penomenolohikal na karanasan, mahirap paniwalaang ang tao ay lubusang hindi malaya o kung hindi man ay lubusang malaya naman. Kung papanig tayo sa pananaw ni Skinner, hindi natin masasagot ang tanong kung bakit tayo nakakapagtanong at nakakapagmuni ukol sa mga bagay-bagay sa buhay. At alam nating lahat, na kahit papaano, lahat ng tao ay nakakaranas ng kalayaang pumili at magbiga ng opinion at kumento ukol sa mga bagay na ating ginagawa at nararanasan. Sa isang totoong paraan, ang tao ay hindi lamang nakakahon sa loob isang balangkas; kung saan wala siyang maaaring gawin kundi sundin ang mga batas na sinasabi ng kahong iyon sapagkat walang siyang kakayahang suwayihn, baguhin o piliin ang mga batas na iyon.

Kung papanig naman tayo sa pananaw ni Sartre na tao ang naglalahad ng sarili niyang bukal na pinagmumulan ng sarili niyang motibo, dahilan at siya ring nagtatakda ng sarili niyang wakas, hindi natin masasagot kung bakit may nagagawa ang mga lalaki na hindi kayang gawin ng mga babae, kung bakit may mga bagay na likas sa mga taong taga-Tausug at hindi likas sa mga taong taga-America. Sa isang totoong paraan, ang napakalawak na kalayaan ng tao, kahit papaano, ay nalilimitahan pa rin ng mga bagay sa pumapalibot sa kanya. Ang tao ay malaya, subalit hindi siya lubusang malaya dahil may mga realidad na kailangan niyang harapin at tanggapin na hanggang dito lang ang kanyang naaabot. Oo, kaya niya itong palawigin at palawakin subalit, ang tao, bilang sumasakatawan at sumasadaigdig ay isang nilalang na may limitasyon kahit ito ay may tinataglay na napakaraming posibilidad. Sa totoong paraan, ang tao ay hindi Diyos.Sa pelikula, madalas natin maririnig na tumutukoy ang mga tauhan kay Allah, bilang tagapagtakda ng lahat. Madalas nilang sasabihin, “If Allah wills it,” o “It is the will of Allah.” Dito natin makikita ang punto ni Sartre na isang pagkakasalungatan ang pagiging malaya sa pagkakaroon ng paniniwala sa Diyos. Kung susuriin natin, tila tinatanggap nila na lahat ang nangyari, nangyayari, at mangyayari ay ayon sa kugustuhan ng kanilang panginoon. Sa unang pagtingin, maaari nating itanong, “Nasaan ang kalayaan dito?” Sasagutin naman tayo ni Skinner na, “Mismo, wala!” Subalit kung Kavanaugh naman ang kikilatis ng karanasang ito, sasabihin niyang kalayaan naman nilang tanggapin o tanggihan ang mga nangyayaring ito, at may kalayaan pa rin silang baguhin ang mga ito. Si Suha ang patunay dito. Isa nga siyang Palestino, naniniwala sa Diyos subalit dahil lumaki siya sa ibang lugar, nagkaroon siya ng bagong pananaw ukol sa mga karanasan ng mga kababayan niya. Natuto siyang magtanong at mag-isip ng alternatibo; iba pang posibilidad. Makikita natin kung paano hinuhubog ng lipunan ang kamalayan ng tao at dito na papasok ang balangkas na tinutukoy ni Skinner, subalit kalayaan pa rin ng mga tao ang paniwalaan ito o hindi. Nasasakanila ang kalayaang baguhin ito kung nararapat. At ang kalayaang ito ay yaong tinutukoy ni Sartre.

Ang penomenolohikal na perspektibo ni Kavanaugh at Maslow ang siyang pinakamatunog na pag-unawa sa konsepto ng kalayaan ng tao at sa kanyang di maubos-ubos na posibilidad. Sinasabi pa rin natin na ang tao ay may di maubos-ubos na posibilidad kahit sumasabalangkas pa rin ang kanyang kalayaan dahil ang mga posibilidad niyang ito ay, totoo naman, hindi niya mauubos at magagawa lahat sapagkat sa loob ng balangkas ng pagkatao niya, malawak pa rin ang kanyang pagka-maaari. At sa nauunawan natin sa mga naunang pagninilay ukol sa pagkatao ng tao, ang tao ay may kakahayan pa rin namang lampasan ang kanyang sarili, gaya ng paglampas niya sa kanyang abot-tanaw ukol sa ultimong realidad at ultimong katotohanan, mga kabalintunaang palagi nating isinasa-isip kapag tayo ay namimilosopiya.

Sa harap ng mga posibilidad at pagka-maaari ng tao bilang tao, ang kanyang tinataglay na kalayaang-sumasabalangkas ay isang biyayang nakakabahala at nakakatakot din. Mabigat ang responsibilidad natin bilang mga nilalang na may kalayaan sapagkat walang ibang tao ang maaaring gumanap sa sarili nating pagka-malaya at sa lahat ng ating pipiliing desisyon, kailangang kaya natin itong panagutan dahil bilang tao tayo ay may pananagutan sa sarili nating kilos, asal at gawa.
[9] Tayo lamang ang tanging maaaring mabuhay para sa sarili natin. At sa parehong paraan, tayo din lamang ang maaaring mamatay para sa sarili natin.

Kung tunay ang ating pagtungo sa kamatayan, mas mabibigyan natin ng halaga ang ating taglay na kalayaan sapagkat mag-aantabay tayo. Lahat ng ating gagawin ay dapat naayon sa ating ninanais at yaong kaya nating panagutan at panindigan. Lahat ng pipiliin natin sa lahat ng maaari nating piliin ay yaong mga bagay na mahalaga sa atin sapagkat hindi natin alam kung kailan tayo darating sa pagkakataong hihinto ang kalagayan nating ito na may di maubos-ubos na posibilidad. Kailangan nating tandaan na ang kamatayan ay yaong ultimong posibilidad sa lahat ng mga posibilidad. Kaya ang kalayaan natin ay nabibigyang saysay sa kamatayan sapagkat ang mga ginagawa natin ngayon ay pagtupad sa mga posbilidad natin bilang tao nang sa gayon ay ating makamit ang ating ultimong kabuuan, ang “ako na hindi pa ako,” at pagganap sa “hindi pa akong ako.”Ito ang ugnayan ng dalawang ideyang ito, na may bigat at saysay ang kamatayan dahil ang tao ay may kalayaan at ang kamatayan naman ay may saysay lamang dahil sa ito’y binabalangkas ng kamatayan.

[1] Paradise Now. Directed by Hany Abu-Assad. Performed by Ali Suliman, Lubna Azabal Kais Nashif. 2005.
[2] Dy, Manuel B. Jr. “Kamayatan ayon kay Martin Heidegger.” From Philosophy of Man I Readings (selected by Marc Oliver Pasco), 162.
[3] Ibid., 163.
[4] Ibid.
[5] Ibid., 165.
[6] Kavanaugh, John F. S.J. “Human Freedom.” In Philosophy of Man: Selected Readings, Manuel B. Dy Jr., (Quezon City: Goodwill Trading Company, 1986), 158.
[7] Sartre, Jean-Paul. Existentialism and Human Emotion. (New Jersey: Citadel Press. 1984), 122.
[8] Ibid.
[9] Johann, Robert. “The Way to Freedom.” In Philosophy of Man: Selected Readings, Manuel B. Dy Jr. (Quezon City: Good will Trading Company, 1986), 184.

0 proposals:

Blog Widget by LinkWithin

JS-Kit Comments

Blog Patrol

Shout Outs

Wish List

  • Very soon: New Gimmik Clothes (really hot ones!)
  • Anytime soon: New Dual Sim Phone I got one already!
  • In a month: New Ipod I got one already!
  • In a year: Unleashed Album
  • In 2 yrs: New Car
  • In 5 yrs: New House/New Lot (or both)
  • Simple lifetime plan: SAVE (at least) 50K per month!
  • Lovelife plan: Be happy!

Friends & Audience

My Blog List

Google Ads