Welcome to AlmostFinishedProjet.blogspot.com!
This is Dick's Constant Creation.
Touch. Move. Inspire.



Best veiwed with Mozilla Firefox browser.

Ang Pilosopiya ng Pag-iral

Sa Likod ng Pelikulang
Jarhead
sa direksyon ni Sam Mendes

“A man fires a rifle for many years, and he goes to war. And afterward he turns the rifle in at the armory, and he believes he's finished with the rifle. But no matter what else he might do with his hands, love a woman, build a house, change his son's diaper; his hands remember the rifle.” – Anothony “Swoff” Swofford (Jake Gyllenhaal)

Ito ang mga salitang maririnig sa simula ng pelikulang “Jarhead.” Sang-ayon sa pananaw ni Kerazim Kohak, ang mga salitang ito ang sumasalamin sa pagbubuklod ng kawal at ng kanyang baril. Isa itong samahang nabubuo sapagkat ayon kay Kohak, ang tao, na may bukod-tanging katangian bilang isang puntong-tagpuan ng magkasalikop na dimensyon ng katalagahan at ng walang-hanggan, ay may kakayahang makatunog sa saysay ng walang-hangang kahalagahan ng mga bagay na may hangganan, at dahil dito ay nakakayanan niyang pangibabawan ang hangganan ng bagay na ito nang sa gayon ay lumalampas ang halaga nito tungo sa kawalang-hanggan. Sa simula pa lamang, naipapakita na na kahit anuman ang maaaring gawin ng kawal na ito gamit ang kanyang kamay, ay maaalala’t maaalala pa rin niya ang ripleng kanyang ginamit at inangkin bilang bahagi na ng kanyang sarili dahil mayroon silang pinagsamahan nabuo at napagyaman ng panahon; simula sa pagsasanay patungo sa digmaan hanggang sa uwian. Ayon nga sa sabi nila, “This is my rifle. There are many like it but this one is mine. Without my rifle, I am nothing. Without me, my rifle is nothing.”

Kaagad naman itong susundan ng mga eksena ng pagsasanay ng bidang si Anthony Swofford kasama ang kanyang mga kasamahan sa ilalim ng pamumuno ni Staff Sgt. Sykes. Dito naman madalas naipapakita ang buong batalyon ng mga nagsasanay na mga kawal. Kahawig sa karanasan ni Antione Roquentin na naisalaysay niya sa kanyang tala-arawan na Nausea (isang nobelang gawa ni Jean-Paul Sartre), nawawala sila sa kanikanilang mga sariling pagkakakilanlan. Sa mga eksenang ito tumitingkad ang magkakaparehong hubog ng kanilang mga katawan, magkakaparehong uniporme, at magkakaparehong gupit ng buhok, na kung titingnan sa malayo ay nalulusaw ang kanilang identidad at nagmumukhang iisa silang lahat na makakahalo sa iisang pagkakalahok, kagaya ng pagtingin ni Antione Roquentin sa pag-iral nang siya ay namulat nang ito ay nagsimulang maglantad sa kanyang harapan.

Sa mga eksena ng kanilang pagsasanay naipapakita ang kanilang pagiging “in the way” sa isa’t isa. In the way. Sa lupang kanilang tinatakbuhan at ginagapangan, sa mga damuhang kanilang pinagtataguan, o hindi kaya ay sa mga asintahang in the way sa ripleng kanilang ginagamit.

Nang magsimula Operation Desert Shield, sila ay ipinadala sa disyerto ng Saudi Arabia, isang lugar na bago at hindi pamilyar sa kanila, kaya kinailangan nila itong kilalanin, at sila man din ay kailangan ding masanay sa ganitong panibagong pook. Kailangan nilang uminon ng maraming tubig sapagkat napakainit sa lugar na ito, hindi kagaya ng nakasanayan nila. Kailangan nilang magsanay sa ganitong uri ng panahon at klima, habang binabantayan nila ang mga langis ng lugar na iyon. Kung titingnan natin ito sa pananaw ni Kohak, ito marahil ang pag-aangkin sa pook at yaman nito bilang isang pag-aari lamang. Hindi nabibigyang halaga ang responsibilidad ng tao na pagyamanin ang samahan nila at ng kalikasan. Ginagawa nila ang mga gawaing ito hindi dahil nais nilang manirahan o alagaan ang lugar na iyon kundi bantayan lamang ang likas na yaman doon nang hindi manakaw ng kalaban. Ang ganito uri ng pag-iisip ay taliwas sa mabuting pag-iral ng tao sa mundo. Subalit ipinapakita ng pelikula na sa mundo ng digmaan, sa simula ay nawawalan ng saysay ang ganoong relasyon ng sundalo sa mundong kanyang kinalalagyan. Kung hindi nila matutunang mahalin ang mga bagay na nangyayari sa kanilang dinadayuhan, ay mawawala lamang ang saysay nito pagkaraan ng panahon. Kaya kailangan din linangin at pagyamanin ng mga sundalo ang relasyon nila sa kanilang kainalalagyan, gayon din sa pagbubuklod nila sa isa’t isa.

Ngunit kung, titingnan naman natin ang Operation Desert Shield sa pananaw ni Sartre, napapakitang absurdo ang operasyong ito. Nagsasanay sila para kalabanin ang mga kalaban na hindi nila alam kung kalian sasalakay. Tumatakbo sila sa ilalim ng sikat ng mainit na araw na naka-uniporme nang napakakapal. Pumapatrolya sila sa disyertong wala namang laman, na mistulang may mga kalaban sa malapit at minsan ay umaarte silang kunwaring inaatake. Nagtatapon sila ng mga granada sa wala, at tumitira sa wala. Nag-aabang sila sa mga kalaban na hindi na hindi nila alam kung kalian darating.

Simula dito ay naramdaman ko na rin ang pagiging absurdo ng buong kaganapan. Sa pagdaan ng mga araw na naging ilang buwan na rin ay nakakasuka ang paghihintay ng mga kalaban na hindi naman nila matukoy kung darating ba o hindi. Halong pangamba at pag-aalinlangan ang aking naramdaman. Naalibadbaran ako sa walang katiyakan ng mga maaring maganap. Nasa gitna ng disyerto ang mga sundalong ito, sa gitna ng kawalan. Hindi nila matiyak kung ano ang susunod na maaring mangyari. Kung titingnan ang pelikulang “Jarhead” sa pananaw ni Sartre, gaya ng pag-iral, ang pagiging isang jarhead din ay absurdo.

Subalit hindi ko rin maipagkakaila, na ang mga pananaw ni Kohak ay mas lumilitaw at mas sumasalamin ng mga kaganapan sa pelikulang ito. Ayon kay Kohak, makatwiran ang pag-iral ng tao. At sa pananaw ko, ang pagiging isang sundalo ay makatwiran din kahit malabo ang mundo ng digmaan at kaguluhan. Nailalarawan ng pagiging jarhead ang pagiging puntong-tagpuan ng tao sa mundo ng katalagahan at ng mundo ng walang-hanggan. May kakahayang makakutob ang mga sundalong ito ng mga mabubuti, makatotohanan at makatarungan, kung kaya’t alam nilang pumili ng mga bagay na mahalaga sa kanila ayon sa dimensyon ng katalagahan, kahit na walang-hangganan ang halaga ng lahat ng mga bagay sa dimensyon ng walang-katapusan.

Naniniwala tayong ang tao ang tanging nilalang na nakikisangkot sa pag-iral ng sang-umiiral, at hindi lamang bastang pakikisangkot ang ginagawa ng tao, sapagkat makahulugan ang pakikisangkot nito sa mundong nagpaparamdam. Nakikita ng tao ang walang-hanggang halaga ng mga bagay na may hangganan. Kung kaya nakakakutob siya sa moralidad ng mga bagay at gawain sapagkat may angkin siyang kakayahang makatunog nito. Ang mga katanungan tungkol sa moralidad ng mga gawain ng mga sunadalo ay walang katapusan. Ang mga sundalong ito ay palagi ring nagmumuni-muni tungkol sa kanilang mga ginagawa. Isa itong napakahirap na gawain sapagkat kinikilala nila na lahat ng bagay ay may angking walang-hangang halaga sa punto de vista ng walang-hanggan. Kaya kung walang dimensyon ng katalagahang nauukol sa panahon, napakahirap ng pagpili ng mga dapat gawin, sapagkat ang lahat ay magkakapantay ng halaga. Sa dimensyon ng katalagahan, nagkakaroon ng kaukulang kahalagahan ang mga bagay.

Sa isang digmaan, kailangan ng sundalong pumatay ng kalaban, kundi siya ang papatayin nito. Sa mundo ng katalagahan mahalagang pumatay ang sundalo ng kalaban, subalit alam niyang ang buhay ng taong kanyang pinatay ay magiging isang trahedya sa mundo ng walang-katapusan. Subalit sa pelikula, hindi nagkaroon ng pagkakataong pumatay ang ating bida. Na kung titingnan natin, ay yaon sana ang oras ng kanyang dakilang karangalan, ang makapatumba ng isang kalabang may mataas ang ranggo.

Kung ranggo naman ang paguusapan, makikita nating ang mga sundalo ay may iba-ibang ranggo. Pinapakita lamang nito na may kaukulang kaibahan ng halaga ang mga sundalo ayon sa kanilang ranggo sa order of time. Subalit sa order of eternity, lahat ng mga subdalo ay magkakapantay ng halaga, kahalagahang walang-katapusan. Kaya sa isang digmaan, ang may mataas na ranggo ang pinapahalagahang sagipin ngunit ang kamatayan naman ng may mababang ranggo ay isang trahedya pa rin.

Sa huli, sinasalamin pa lalo ang pananaw ni Kohak sa pelikula sa muling pagbanggit ng mga katagang binanggit sa simula ng palabas. At dinagdagan niya ito:

…[H]e will always remain a jarhead. And all the jarheads killing and dying, they will always be me. We are still in the desert.

Sa mga salitang ito, tumitingkad ang pagbubuklod ng sundalong ito sa disyertong kanyang pinuntahan, sa mga taong kanyang nakasama, at hindi lamang sa baril na kanyang tinuring na bahagi ng kanyang pagiging jarhead. Pinatunyan ng pelikula na ang sundalo, gaya ng tao, ay may angking kakayahang makutuban, kilalanin, linangin, pagyamanin at mahalin ang mga bakas ng walang-hanggan halaga ng kanyang karanasan sa digmaan sa disyerto kasama ang kanyang pinuno, ang kanyang mga kapwa sundalo, at ang kanyang riple. Hindi lamang nananatiling pag-aari ang mga ito, kundi lumalampas ang halaga ng mga ito sa dimensyon ng walang-katapusan. At kahit na mamatay o mawala man ang mga ito sa takdang panahon, sapagkat napatingkad na niya ang halaga ng mga ito, ay hindi sila mamamatay o mawawala at sa halip ay mananatili sila sa mundo ng walang-hangan.

Blog Widget by LinkWithin

JS-Kit Comments

Blog Patrol

Shout Outs

Wish List

  • Very soon: New Gimmik Clothes (really hot ones!)
  • Anytime soon: New Dual Sim Phone I got one already!
  • In a month: New Ipod I got one already!
  • In a year: Unleashed Album
  • In 2 yrs: New Car
  • In 5 yrs: New House/New Lot (or both)
  • Simple lifetime plan: SAVE (at least) 50K per month!
  • Lovelife plan: Be happy!

Friends & Audience

My Blog List

Google Ads